Pages

Sunday, April 11, 2010

KUBYERTOS

Umalis na ng bansa kahapon ang pinsan ko. Si JB. Ewan ko nga ba bakit JB ang palayaw niya e Billy Jebson naman totoo niyang pangalan. Hindi ba dapat eh BJ? Hahahaha kung green-minded ka naman kasi eh ang pangit ng pangalang BJ. In a way, nalulungkot ako kasi hindi man lang kami nagpang-abot sa Pinas. Mahigit dalawang taon na rin nang huli kaming magkita. At kung kelan kami muling pagtatagpuin ng tadhana, iyon ang hindi ko alam. At kung saan din siya dadalhin ng tadhana, iyon ay hindi ko rin alam. Basta ang alam ko malilibot niya ang buong mundo ng libre dahil seaman siya. Nakakatuwa.


Nakapagkwentuhan sila ni Papa. Nalulungkot din daw si JB kasi di kami nagkita. Sabi pa niya parang kelan lang ang liliit pa namin. Kahit di man namin napag-uusapan ang dahilan kung bakit naging mas malapit kami kesa sa iba naming pinsan, siguro dahil yun sa pareho naming alam ang pakiramdam na walang magulang na gumagabay sa mura naming mga gulang. Kung di ako nagkakamali, limang taon pa lamang siya nang pumanaw ang mama niya. Ako naman anim na taon nang magpunta ng Saudi si mama. Ang mga tatay naman namin ay parehong naghahanapbuhay sa Maynila. Kami, naiwan sa Surigao. Sa probinsiya na tanging Lola at mga titang hindi na nag-asawa ang nag-aalaga.


Madalas daw namin pag-awayan noon ang kubyertos. Ewan ko kung bakit, hindi ko na matandaan. Pero sabi niya, namimili raw kasi ako ng gagamitin ko. Bata pa lang pala talaga maarte na ako pagdating sa kubyertos. Kaya pala hanggang ngayon, naiiyak ako kapag may ibang gumamit ng kutsara at tinidor ko. Gusto ko kasi magkapartner ang kutsara at tinidor. Dapat magkasingtimbang sila at magkamukha. Ayokong mas magaan yung isa. Dapat pareho talaga. Ayaw ko rin ng may hawakan na uso noon, yung parang may plastic o kaya kahoy na  hawakan. Ah! Basta dapat makinang at magkapareha. In short, nag-iinarteng bata. Nag-iinarteng bata rin kaya siya kasi nakikipag-agawan siya ng kubyertos sa akin? 

Naaalala ko pa 8 years old ako at siya naman 6 years old, sabay kaming naligo. Hindi ko alam bakit naiisipan naming paglaruan ang ilaw sa cr. Tig-isa kaming tabo at binasa namin ng binasa yung ilaw hanggang sa napunde. Ayun! ending napagalitan kami pero putok buchi ko nun kasi ako lang napalo. Ang sakit. 

Pero ngayon may sari-sarili na kaming propesyon at parehong tinatahak ang landas patungo sa aming mga pangarap. Nakakatuwa kasi kahit makulit kami noon eh mabait naman pala siyang lumaki. Ang dati kong kaagaw sa kutsara at tinidor ay isa ng responsableng tao. hehehe. Haaay miss ko si JB.

0 Comments:

Post a Comment