Pages

Wednesday, October 7, 2009

PAQUITA

Nakahiga. Nakatulala. Walang ginagawa. 
Nakapikit. Nag-iisip. Tahimik. 
Naiinis. Naghihinagpis. Tumatangis.


Minsan ko nang sinubok na sakyan ang iyong kagustuhan mapasaya ka lamang. Nilunok ang hiya, nagpaubaya at binali ang matatag na paniniwala. Naging maayos ang ating pagsasama, tila ba walang problema. Batid kong mali ngunit hinikayat ko ang aking sarili na tama ang aking ginagawa. Mali man sa paningin ng iba, magalit man ang aking pamilya, ngunit patuloy pa rin ako dahil nga mahal kita. Ganoon ba talaga kapag umibig? Sampung aral at mabuting asal ay dagliang pumapanaw? O bunga lang ito ng primitibo kong pananaw? Magkagayon man, hindi ito ang aking inaasahan.


Ayokong matawag na ipokrita at lalo ng mabansagang santa-santita. Ngunit ano ang aking magagawa kung madalas sumapi sa akin ang kaluluwa ni Maria Clara? Isama mo na rin si Laura. Hindi man ako naka-baro't saya na pagkahaba-haba, wala ring pamaypay na dala ngunit sa dugo ko may bahid pa rin ng pagkamanang ni Lola. Hindi ko kaya. Hindi ko na talaga kaya.


Kaya patawarin mo ako moderno kong Crisostomo Ibarra kung sa darating na mga araw ako'y maglalahong parang bula. Ako man ay mawala, hindi ito nangangahulugang pag-ibig ko rin ay sumama. Mahal kita walang duda. Kailangan ko lang linisin ang nadumihang pag-iisip, lumanghap ng sariwang hangin,  at magmuni-muni sa mga bagay na nagpapaligalig sa akin. Nawa'y hindi ka magalit o magdamdam. Dahil kung ikaw ay masasaktan, dobleng sakit naman ang aking mararamdaman.







0 Comments:

Post a Comment