Friday, August 28, 2009
"Pagbilang kong sampo nakatago na kayo. Isa! Dalawa! Tatlo! Apat! Lima! Anim! Pito! Walo! Siyam!....Sampo!"
Ayan na si Jona, papalapit na. Nakakakaba. Bawat hakbang niya ay tila ba unti-unting nagpapalakas ng kabog ng aking puso. Wari'y bolang tatalbog mula sa aking dibdib. Isang hakbang na lang at matutunton niya na ako. Huwag naman sana niyang masilip ang sulok kung saan pilit kong isinisiksik ang munting katawan. Palakas ng palakas ang tibok ng aking puso. Magkahalong kaba at saya ang aking nadarama. Kaba dahil kaunti na lang ako'y kanya ng makikita at saya dahil maaaring lumayo na siya. Lumibot ang kanyang mga mata, hayun at papalayo na. Kaba ko ay dagliang nawala, Ayos! Hindi niya ako nakita. Iba ang kanyang nataya.
Marahil labinglimang taon na ang nakakaraan nang huli akong maglaro ng taguan. Iyon ang panahon na hindi pa uso ang psp, wii, laptop, xbox at iba pang "hi-tech" gadgets sa mga kabataan. Iyon ang mga panahon na patok pa ang patintero, luksong tinik, ten-twenty at habulan. Iyon rin ang panahon na masarap magbabad sa arawan sa kabila ng amoy-araw na mga katawan. Panahon na kahit hindi ako pwedeng maligo sa ulan ay nakakatakas pa rin kung minsan. Hindi ako magaling sa habulan at lalong di ko kayang tumalon ng mataas kaya sa lahat ng larong pambata taguan yata ang pinakanahiligan. May talento ako sa pagtago, kahit sino sa aking mga kalaro ay hirap akong matunton.
Makalipas ang maraming taon, hindi ko inaakalang gagawin ko pa pala ito. Ang magtago. Ang pinagkaiba, hindi ito laro. Bakit ba ako nagtatago? Bakit ayaw kong matunton?
Ikatlong pagtatangka ko na ang gumawa ng blog sa taong ito. Parehong nabigo ang dalawa. Pareho rin ng dahilan kung bakit bigo. Ayaw kong tinutukso niya ako. Ayaw ko ring pagdudahan dahil lang rito. Para wala ng isyu kaya hayun, binura ko. Mahirap. Mabigat sa dibdib. Weird pero sa mga sandaling binubura ko ang mga blog na ito ay tila isang eksena sa pelikula na kung saan nagpapaalam sa isa't isa ang mga bida. May kaunting luha pang nangilid sa aking mga mata. Ang drama.
Tama nga sila. "Once a blogger will always be a blogger". Hindi pa nakakalipas ang isang linggo ay nangangati na ang mga daliri ko. Gustong tipain ang mga letra sa keyboard na ito at ang monitor ay tila ba nangungusap, isang nakakaengganyong paanyaya. Kaya hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Magbablog ako. Magbablog ako.
Siya na rin mismo ang nagsabing huwag kong sabihin sakaling gumawa ako ulit ng bago. Hindi naman siguro siya magagalit. Hindi naman siguro siya magtatampo.
Labels: that's life
once a blogger always a blogger, tama yan. ako huminto na rin minsan mag blog more than one month pero heto ngayun sulat pa rin ng sulat. nasa spirito na yata natin to eh hanggang pagtanda, ang magsulat at magshare ng istorya.
san ka pa pala? desert? ka rin
Para kasing may energy na humahatak para humarap sa pc/laptop at magblog e..ayan attempt ulit..tama! nature na to ng mga mahilig sa blog.
yup! desert din ako.. an hour diferrence from you. :)